Gurong Anabueño pumadyak sa edukasyon
- 1079693
- Jan 27, 2022
- 2 min read

Inilunsad ng Paaralang Elementarya ng Anabu II ang programang "DepEdal na Edukasyon, Padyak sa Pagsulong" na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng mga nahihirapang mag-aaral sa kanilang mga asignatura at tulungan ang mga magulang sa pagtuturo para sa pagkatuto ng mga ito.
Gamit ang kanilang bisikleta, ang mga guro ng paaralan ay pupunta tuwing Miyerkules ng umaga sa bawat Barangay ng Anabu upang magbigay ng interventions sa kasanayan sa pagbasa at pagbilang.

Nakipag-ugnayan ang paaralan sa mga Punong Barangay ng Anabu upang humingi ng pahintulot na maisagawa ang programa sa kani-kanilang Barangay na nasasakupan.
Nagsimulang pumedal ang programa nitong ikaapat ng Marso ng taong kasalukuyan sa Barangay Anabu I-G na pinamumunuan ni Kapitan Melchor Paulme na ikinatuwa ang pagpunta ng mga guro at pakikiisa ng mga magulang.

"Maigi din at may mga programang ipinapatupad ang ating paaralan na sinusuportahan ng mga magulang para sa lalo pang pagkatuto ng mga mag-aaral sa panahon ng pandemya," aniya.
Makikita sa mga magulang ang kanilang pagnanais na matuto ang kanilang mga anak ng pirmahan nila ang kasunduan sa pagpayag nila na isali ang kanilang anak sa programa.

"Sa akin po, malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa mga magulang kundi pati sa mga bata. Dagdag kaalaman ito para sa kanila ang ginagawa ng mga teachers. Kahit pandemic ay sumulong sila upang magturo. Maraming salamat po," ayon kay Gng. Eugene Payoyo, nanay ng mag-aaral mula sa kindergarten.
"Malaking tulong po ito sa mga bata dahil nararamdaman nilang may guro talaga sila dahil nagpupunta at nag-eeffort magturo sa kanila para matuto sila. Salamat po sa mga teachers lalong lalo na sa nakaisip ng programa," ayon naman sa isa pang magulang na si Gng. Annalyn Silla.

"Maganda po itong naisip na programa lalo na po sa mga kinder na mas gustong may teacher na nakikita dahil naeengganyo silang magsulat at matuto pa. Kahit may pandemic ay nagawa nilang (mga guro) mag-effort pumunta dito sa barangay namin para magturo," ayon din kay Gng. Sallie Rodriguez.
Naging matagumpay ang unang araw ng programa dahil na din sa pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa.

"Walang imposible sa mga gurong may puso para sa edukasyon. Kayang-kaya kung sama-sama," ayon kay Gng. Andrea A. Angeles, punungguro at tagataguyod ng programa.
Isinulat ni: Ann Julianne Katerina C. Sili
March 4, 2021
Kommentare