top of page

Play-Based Learning Camp: Ang Pagtatapos

Sulat ni: Ann Julianne Katerina C. Sili

Agosto 14, 2022


Sa pagtatapos ng Play-Based Learning Camp para sa enrichment classes ng Paaralang Elementarya ng Anabu II, nagdaos ng panapos na programa upang lahat ng mga mag-aaral at gurong bahagi nito ay maparangalan bilang pasasalamat at pagkilala sa oras na nilaan ng bawat isa.


Sa pangunguna ni Gng. Andrea A. Angeles, Punongguro II, nagkaroon ng makulay at masayang programa kung saan nagbigay ang bawat baitang ng natatanging bilang na ikinagalak ng bawat mag-aaral, magulang, at guro.


Pinarangalan din ni Gng. Angeles ang mga guro mula sa Unang Baitang na nagwagi para sa Best Learning Station at ang mga guro mula sa Ikalimang Baitang na nagwagi para sa Best Opening Pakulo.


"Bilang magulang ay nagpapasalamat ako sa paaralan sa pag-iisip ng paraan upang maengganyo ang bawat mag-aaral na lumahok sa enrichment classes. Araw-araw ay excited ang aking anak na magpunta sa paaralan upang maglaro habang siya ay natututo," saad ni Gng. Mary Ann Adriano, magulang ng mag-aaral mula sa ikalawang baitang.


Matatandaang inilunsad ng paaralan ang Play-Based Learning Camp para sa mga natukoy na mga mag-aaral ng School Year 2021-2022 na higit na nangangailangan ng suporta sa pagtuturo upang matugunan ang mga agwat sa pag-aaral na dala ng biglang pagbabago ng pagtuturo at pagkatuto dahil sa pandemya.


Sa pamamaraang play-based learning, hinihikayat ng guro ang pag-aaral at pagtatanong ng mga bata sa pamamagitan ng mga pakikipag-ugnayan na naglalayong iunat ang kanilang pag-iisip sa mas mataas na antas.


Ang programa ay tumakbo mula Hulyo 25 hanggang Agosto 12 ng taong kasalukuyan.


Naging matagumpay ang pagpapatupad ng programa dahil na din sa suportang ibinigay ng pamunuan sa pangunguna ni Gng. Andrea A. Angeles, Punongguro II, at sa dedikasyon ng mga guro ng paaralan.


Comments


bottom of page